Nakakalungkot isipin maraming pilipino ang taliwas ang kanilang trabaho sa tinapos na kurso dahil

KULTURANG FILIPINO SA NETWORKING

Kritikal na Sanaysay

Introduksyon

Sa pag-usbong ng industriyalisasyon at globalisasyon, kaakibat nito ang pagkakaroon ng mga bago at karagdagang mga trabaho sa iba’t ibang sektor ng ekonomiya. Bunsod nito, nagkakaroon ng maraming oportunidad ang mga negosyanteng nais kumita nang malaki. Marami ang nagtatayo ng mga sari-sari store, karinderya, mga business franchise, at ang iba ay tumatahak sa negosyo ng networking. Sa lahat ng mga nabanggit, ang networking ang siyang uso at pinakamadaling paraan ng pagyaman. Maraming Pilipino ang naeengganyo sa networking o multi-level marketing (MLM) dahil hindi tulad ng ibang mga negosyo, ang networking ay hindi nangangailangan ng masyadong malaking puhunan. Ang abot-kayang puhunan ay isa sa mga susi sa pagiging matagumpay ng isang negosyo. Habang dumarami ang mga taong sumasali sa negosyong ito, mas lalong lumalaki ang kita ng bawat isa kaya naman marami ang nahihikayat pa. Kalakip ng tagumpay ng ganitong uri ng negosyo, dumarami rin ang mga peke at ilegal na nagpapanggap bilang isang lehitimong kumpanyang networking. Ang mga manloloko ay nahihikayat din sa negosyong ito dahil na rin sa dami ng pera na maaring makuha. Kaya naman nagkakaroon ng pananaw ang mga Pilipino na ang networking, sa pangkalahatan, ay isang scam. Sa bilis ng pagdating ng pera ganoon din ito katulin maglaho. Sa kalaunan, marami na ang hindi na nagtitiwala sa ganitong uri ng pagnenegosyo.

Maaring nakita mo na ang malalaking billboard ng FrontRow sa EDSA o kaya naman ang mga post ng mga kaibigan mo sa Facebook na may hawak-hawak na pera o kaya naman ay tseke ng kanilang sahod. Mayroon ding mga komento sa mga Facebook post na “Open-minded ka ba?” o “Gusto mo bang yumaman o magkaroon ng dagdag kita?” Maari ring naalok at nabentahan ka na ng kakilala mo ng kung anu-anong mga produkto sa pamamagitan ng direct-selling. Kung oo, mayroon ka na sigurong ideya kung ano ang ginagawa ng mga networkers bilang hanapbuhay.

Katangian, Uri at Kasaysayan

Ang mga ganitong kumpanya ay nagsimula noong 1970s (De Leon, 2003). Ayon sa datos mula sa 26 na kumpanyang kasapi ng Direct Selling Association of the Philippines noong 2003, mayroong 2 milyong Pilipino ang bahagi ng mga MLM companies at direct selling (ibid). Ang mga MLM companies ay mayroong apat na uri ayon sa DCR Strategies (2016). 1.) Unilevel ang pinakasimple sa apat kung saan binubuo ito ng iisang antas at maaaring manghikayat ng maraming tao ang isang miyembro. 2.) Binary naman ang katawagan sa pagkakaroon ng dalawang bagong kasapi na ipinasok ng isang miyembro sa kumpanya. Ang mga kasaping ito ay tig-dalawa rin lamang ang maaaring ipasok na kasapi. 3.) Ang matrix na ayos ay nasa desisyon ng kumpanya kung saan sila ang magtatakda ng banghay, ang lalim nito, at ang dami ng maaaring maging kasapi sa bawat antas. Panghuli ay ang 4.) breakaway kung saan magsisimula sa ibaba ang isang miyembro at kinakailangang tumaas ang kaniyang posisyon upang lumaki rin ang kaniyang nakukuhang komisyon sa pagbebenta.

Ang isang multi-level marketing company ay madaling maintindihan ang business structure kung ihahambing sa mga tradisyunal na kumpanya (Dinglasan, 2014). Ito rin ang dahilan kung bakit nakapagbibigay ito ng hanapbuhay sa lahat maging propesyonal, college dropout, matanda, bagong gradweyt, o nabangkaroteng negosyante ang isang tao (Go, 2016). Ito ay maituturing na isang copy business na kung saan ang nasa itaas ay ang siyang ginagaya ng mga nasa baba at ang mga nasa baba naman ay pinapaunlad ng mga nasa itaas at patuloy na umikot ang siklo (Louren, 2016). Maisasakatuparan ito sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga produkto. Ang isang miyembro ay kailangang makabenta at makapanghikayat ng iba upang kumita (Legara et al., 2008). Maituturing namang miyembro ang isang indibidwal kapag siya ay bumili ng produkto ng kumpanya o nakapagbayad na ng membership fee (ibid). Ang mga produktong ito ay walang fair market value dahil ang presyo nito ay batay sa open market system kung saan binibili pa rin ito ng mga konsyumer sa itinakdang presyo ng nagtitinda nito (De Leon, 2003). Ayon pa rin kay De Leon, hindi maaaring ibalik ng mga kalahok ang mga hindi naibeta o hindi nagamit na mga produkto upang makuhang muli ang ipinuhunan na siya namang taliwas sa itinakda ng Consumer Act of the Philippines.

Hangaring Matamo ang Kalayaang Pampinansyal

Bawat Pilipino ay nagnanais na makaahon sa hirap at umasenso ang buhay. Masipag tayong maghanap ng trabaho ngunit nakakabit na sa isipan na dapat ay mabilis at mataas agad ang pasok ng pera sa atin. Nalilimutan na dapat tayong magsimula sa baba at tahakin ang bawat hakbang pataas upang maging mas matatag at matibay ang pundasyon ng ating hinaharap. Ganito dapat ang ating pag-iisip sa pagtatayo ng negosyo. Laging naghahangad ang mga Pilipino na magkaroon ng maayos na negosyo na naaayon sa kanilang hawak na kapital upang matamo ang inaasam na kalayaang pampinansyal. Ngunit ayon sa pag-aaral ng NSO noong taong 2017, milyun-milyong mga Pilipino ang walang trabaho at pinagkakakitaan sa bansa. Kalakip pa nito ay ang kulang na living wage ng karamihan ng mga trabaho ng mga Pilipino. Dagdag pa ng isang artikulo ng ABS-CBN, P327 ang average nominal minimum wage sa buong bansa, at P212 lamang ang tunay na purchasing power nito na kung tutuusin ay masyadong mababa para sa araw araw na gastusin ng bawat pamilya. Isang dahilan nito ay ang uri ng pamumuhay sa Pilipinas na itinuturing simple at mababa lamang. Kaya naman kahit ano na lamang ang pinapasok ng mga Pilipino para magkaroon ng kita at makaraos. Isa ang networking sa tingin ng karamihan ay madali at mabilis pagkakitaan.

Naeengganyo ang mga Pilipino na sumubok ng networking dahil sa kaisipan ng mga Pilipino na yumaman ng biglaan. Ang pagnenetworking sa madaling salita ay nangangako ng malaking kita sa loob ng maiksing panahon at kalakip pa nito ang pagkakaroon ng kaunting puhunan para sa negosyong ito. Sa paghahangad ng yaman at ang malaking posibilidad na makaraos sa kahirapan ang nag uudyok sa mga Pinoy na subukan ang negosyong ito.

       

Hindi Sapat na Kita at Oportunidad

Isa rin sa mga kadahilanan kung bakit pumapasok ang mga Pilipino sa larangan ng networking ay ang pagnanasa na magkaroon ng dagdag na kita upang makatulong sa mga araw-araw na mga gastusin. Hindi naging o nagiging sapat ang kinikita ng isang regular na empleyado dahil sa hindi maubos-ubos na mga gastusin lalo na kung siya lamang ang tanging inaasahan ng pamilya. Marami rin sa mga pumasok sa networking ay walang tinapos na digri sa kolehiyo. Ang iba naman ay hindi tugma ang trabaho sa tinapos nilang kurso o tinatawag na education mismatch. Isa na sa mga napapabilang dito ay si Binibining Tara Vitug na aming nakapanayam. Kaniyang nabanggit na siya ay nakapagtapos ng kursong Nursing at limang taong nagtrabaho bilang nars. Nagtagal din siya ng dalawang taon bilang call center agent ng isang BPO company bago niya tahakin ang networking.

Sa una ay maaari itong pandagdag kita o sideline ngunit kapag nakita ng isang tao na mas malaki ang oportunidad at pera sa networking, maari niya itong gawin bilang pangunahing mapagkukunan ng kabuhayan. Ayon kay Binibining Vitug, malaki ang agwat sa maaring kitain niya bilang isang call center agent at bilang isang networker. Umaabot sa 90-100 libong piso ang kita sa isang buwan o 500 libo hanggang 10 milyon kada account. Kung maihahambing raw, gaano pa man siya magsipag bilang isang empleyado ay maliit ang kaniyang sinusweldo. Ito ay malayo sa kaniyang kinikita sa networking kung saan nakabatay ito sa iyong sipag at sa itinakdang quota. Ikaw mismo ang magtatakda nito kaya naman ikaw ang boss ng iyong sarili.

Isa sa kinokonsiderang dahilan ng Asian Development Bank (2009) sa pagiging mahirap ng ating bansa ay ang kahinaan nitong magbigay ng trabaho sa kaniyang mga mamamayan at magkaroon ng dekalidad na uri ng trabaho. Sinasabi rin ng Asian Development Bank (2009) na hindi nakaaapekto ang pag-unlad ng ating ekonomiya sa paglutas sa problema ng kahirapan sa Pilipinas. Sinasabi naman ni Galang (2018) na sa pag-unlad ng ating ekonomiya ay ang pagsabay rin ng pagbuo ng mas maraming mga trabaho ngunit ang sahod na kanilang natatanggap ay nananatiling mababa. Idagdag pa dito na ang Pilipinas ay mahina pagdating sa pagpapabagal ng inflation sa presyo ng mga bilihin. Isinasaad rin ni Galang (2018) na marami sa mga Pilipino ay may hanapbuhay naman ngunit nananatiling mahirap dahil sa mababang kita at mababang kalidad ng trabaho.

Magandang Produkto

Nahihikayat din ang mga Pilipino na sumali sa networkingdahil sila ay nahimok ng kanilang kakilala o di kaya naman ay nasiyahan sa mga produkto nito. Sinasabi na kapag ikaw ay kasapi o miyembro ng organisasyon, mas murang makukuha at mabibili ang mga produkto kung ito ay para sa personal na paggamit lamang. Kung panghanapbuhay, malaki ang tutubuin nito dahil maaring maibenta nang mas mahal upang malaki rin ang makukuhang komisyon. Sa sitwasyon ni Binibining Tara Vitug, ang MLM company na kaniyang kinabibilangan ay mayroong ceiling na 10 milyon na maaaring kitain ngunit nakadepende pa rin ito sa sariling sikap sa pagtratrabaho. Dagdag pa niya, mas malaki ang kinikita dito kumpara sa dati niyang trabaho na hindi umaabot ng 100 libong piso kahit isama pa ang mga overtime.

Mapapansin rin ang “brand loyalty” sa ating bansa at sa isinulat na artikulo ni Lucas (2013) pinapakita ng pag-aaral ni Nielsen na 80% ng mga Pilipino ay tapat sa kinikilala nilang tatak ng mga produktong kanilang ginagamit lalo na kung napatunayang epektibo sakanila ang mga produkto ng tatak na ito. Ngunit maari rin itong kawalan sa mga bagong kumpanya na nagtatayo pa lamang ng sariling pangalan.

Kolektibistang Kultura

Noong patok na patok ang mga networking companies, maraming mga Pilipino ang sumubok na tahakin ito ngunit kakaunti na lamang ang nanatili at naging matagumpay. Ang dahilan sa kanilang pagtigil ay ang kadahilanang gusto nilang kumita at yumaman ngunit kapag kanila nang nakita ang trabahong kailangang gawin ay sila na mismo ang umaatras. Dahil ikaw mismo ang boss ng sarili mo, tanging ikaw lamang ang makapag-uudyok sa iyong sarili upang magsipag. Kung ihahambing sa pagiging isang empleyado, walang pwersa o hinahabol na oras dito kaya kung ikaw ay nawawalan na ng lakas at motibasyon, madali lamang sumuko sa larangang ito.

Ang mga Pilipino ay kilala sa pagkakaroon ng kolektibistang kultura kung saan naniniwala ang isang indibidwal na siya ay parte ng isang grupo at mas mahusay siya na nakapagtratrabaho kung bahagi siya ng grupo. Mahalaga rin ang pagkakaroon ng maraming kakilala at koneksyon sa pagpasok sa larangan ng networking dahil kung mas marami ang iyong kakilala ay mas marami rin ang maaring mong alukin ng mga produkto o maaring marekrut bilang kasapi sa kumpanyang kinabibilangan. Ngunit ayon kay Liliquist (2018), huwag dapat bentahan ang iyong mga kapamilya at mga kaibigan at huwag rin sila isali sa iyong negosyo upang hindi sila mainis sa iyong trabaho.

Panloloko

Makikita rin sa balita na marami ang naloloko sa mga pyramiding schemes gaya na lamang noong pangyayaring panloloko ng kilalang-kilala na si Xian Gaza. Nasa kultura nating mga Pilipino ang pagkahumaling sa madaling paraan ng pagkakaroon ng pera o ang tinatawag na ‘easy money’. Mayroon pa nga tayong kasabihan na “ang taong gipit sa talim kumakapit.” Kaya talamak din ang mga krimen tulad ng pagnanakaw, holdap, carnap at marami pang iba na umuugnay sa pangangailangan ng salapi (Talabong, 2018). Kaya marami rin ang nanggagantso sa pamamaraan ng mga scams na ito. Ginagamit ng mga taong nais manlinlang ang kagustuhan ng isang tao na dumami pa ang kaniyang pera o kaya naman magkaroon ng sapat na kita. May mga Pilipino na pinipiling mamuhunan sa mga mabilisang balik ng pera na hindi tinitiyak ang katunayan ng mga ito. “Mas ‘easy money’ naman talaga kung mang-scam ka na lang, pero kapag mabilis mo nakuha [ang] pera, mabilis rin mawawala pero kapag pinaghirapan mo, long-lasting,” sabi ni Binibining Tara Vitug.

Sinasabi rin ng Harvard sa artikulong isinulat ni Pedrosa (2011) na ang mga Pilipino ay hindi lamang tanga, hangal o uto-uto dahil tayo raw ang kauna-unahan sa listahan ng mga pinaka-tangang lahi. Nakakalungkot lamang isipin na kahit na mayroong mataas na antas ang karunungan sa pagbasa at sa pagsulat sa ating bansa, kinikilala pa rin tayo bilang isang hangal. Isa sa mga salik kaya marami ang nanloloko at nang-iiscam ay dahil na rin ang ating bansa ay lugmok sa kahirapan. Dahil ang Pilipinas ay isang third world country, marami sa atin ang nauudyok na mas piliin ang ‘easy money’ kaysa paghirapan ito. Mas pinipili nila na manloko ng kapwa Pilipino dulot ng kahirapan.

Pagkahumaling sa mga Produktong Pampaganda ng Panlabas na Anyo

Kapansin-pansin sa mga binebenta ng mga networking companies, karamihan ay pampaganda, pampaputi ng balat, o kaya naman ay pampaganda ng katawan. Ang mga Pilipino ay kilala bilang isa sa mga tumatangkilik sa mga produktong ito. Dahil sa tagal ng pananakop ng mga banyaga sa ating bansa, naging kagustuhan natin ang pagkakaroon ng maputing kulay. Ayon kay Rondilla (2012), labis at agresibo ang pagsasapubliko ng mga produktong pampaputi at ang mga Pilipino ay gumagastos ng malalaking halaga ng pera para sa mga produktong pampaganda. Sinasabi naman ni Singson (2015) na ang mga Pinoy ay may deteryoradong sikolohikal na pag-iisip dahil sa pananakop ng mga taga-Kanluran, at mayroong rin tayong tinatawag na “cosmopolitan whiteness” kung saan pinapakita sa pananaliksik ni Singson (2015) na hindi motibo ng pagpapaputi ng mga Pilipino ang pagkakaroon ng Kaukasyan na kaputian. Naging normal na sa atin na bigyan ng higit na pansin ang ating panlabas na kaanyuan kaya naman kinakitaan ito ng mga kumpanyang MLM ng oportunidad para pagkakitaan. At dahil sa sistemang panghahatak o pangeengganyo ng mga bagong rekrut, patuloy na dumadami ang mga nagbebenta ng mga nasabing produkto. Ang mga dating mamimili ay naging mga tagapagbenta hanggang sa lahat na ay nagbebenta ng mga produkto at wala na halos kumokonsumo nito. Isa ito sa mga kadahilanan ng pagkamatay kalaunan ng negosyo.

Maaring Solusyon sa Suliranin

Ayon kay Glino (2017), upang hindi mapasama at mapabilang sa mga nakararanas ng networking scams ay dapat muna nating alamin ng mabuti kung ano ba talaga ang papasukin natin sa pamamagitan ng pagtatanong sa mga kabilang na dito, kung ano ang kanilang mga karanasan, at kung kalidad ba ang mga produktong ibinebenta. Maari din na alamin ang sikolohiya at stratehiya kung paano dumadaloy ang proseso sa pagbebenta (Louren, 2016). Iwasan din dapat ang mentalidad ng kasakiman at kawalang muwang sapagkat dito nag-uugat ang panloloko sa mga scam (De Leon, 2003). Ayon pa rin kay De Leon, ang mga MLM companies at ang gobyerno ay dapat maglathala pa ng mga karagdagang impormasyon tungkol sa mga produktong ibinebenta upang mapanatag ang loob ng marami na hindi scamang balak nilang pasukin. Kung ikaw ang mamimili, huwag maniniwala kung ang produkto ay “out of stock” dahil pagkabili mo ay dapat makuha mo na ito agad at hindi lang brochure o papel ang pinanghahawakan (Tan, 2017). Ayon sa aming nakapanayam, nabansagan lamang na scam ang pyramiding scheme dahil sa mga taong gumagawa ng scam sa halip na pagtrabahuhan ng maayos ang pagkita ng pera. Ito ay hindi dahil sa ayos ng pyramid scheme.

Lahat ay may hangaring makaahon mula sa pagkalugmok sa kahirapan ngunit hindi etikal at hindi mabuti na aapak at manlilinlang tayo ng kapwa para lang makamit ang salaping pandagdag gastos. Sinasabi rin ni Chinkee Tan (2016) na hindi dapat tayo mabulag sa pera dahil hindi nito matutumbasan ang nasirang tiwala sa atin ng mga taong ating kakilala at niloko. Ang pera rin daw ay pansamantala lamang at maari mo itong kitain ngunit ang pagsasamang nasira ay panghabambuhay nang may lamat.

Hindi tayo sumusugal nang malaki kaya hindi tayo nagkakaroon ng maayos, malago at matagumpay na negosyo. Dapat lagi nating isaisip na kailangan nating paghirapan ang isang bagay upang masabing matagumpay talaga ito. Mabilis ang pagpasok ng pera sa networking ngunit mabilis din ang paglabas nito kung hindi ito iingatan at pagplaplanuhan ng maayos. Sa larangang ito, katumbas ng trinabaho mo ang makukuha mo kaya sa huli, nasa iyo pa rin kung gaano kalaki ang iyong kikitain.

Hindi na mawawala sa larangan ng negosyo at sa pang-araw araw na gawain ng mga Pilipino ang paggamit ng mga produktong pampaganda dahil parte na ito ng ating sistema at kultura. Maari lamang bawasan ang agresibo at matinding pagsasapubliko ng mga produktong ito at bawasan ang labis na paggamit at pagkadepende sa mga produktong ito. Nag-iiba na rin pamantayan nating mga Pilipino sa kagandahan at unti-unti nang tinatanggap ng ilan ang kanilang itsura at panlabas na anyo.

Kung makikipagtulungan ang gobyerno at iba pang salik ng pang-negosyo ay pwede nilang tulungan ang mga Pilipinong walang trabaho at pagkakakitaan. Mayroon nang mga ganitong programa ngunit sa pangkasalukuyang administrasyon ng gobyerno ay hindi na ito ganoong nakikita. Ang nangyayari ay mas yumayaman ang mga mayayaman sa pamamagitan ng pagbibigay ng trabaho sa mga mahihirap ngunit tinitipid ang kanilang maaring makuhang sweldo o isinasagad na lamang ito sa minimum wage na nakatakada sa lugar na iyon.

Implikasyon sa Kulturang Filipino

Sa kabuuan, marami na ang makikitang bakas ng kultura at kaugalian ng mga Pilipino sa negosyong networking. Dahil na rin sa ilang taong pananatili ng ganitong uri ng negosyo sa ating bansa, natutunan na ng mga nagnenegosyo kung paano iangkop sa kanilang target market ang mga istratehiyang gagawin upang mapukaw ang kanilang atensyon at makumbinsi sila upang tangkilikin ang produkto. Ang pagpasok sa networking ang siyang naiisip na remedyo o solusyon upang makawala sa kahirapan.

Nasasalamin rin ng networking ang iba’t ibang kultura at kaugalian ng mga Pilipino sa. Makikita ang pagkama-diskarte nating mga Pilipino upang makahanap ng mga pagkukunan ng kita para sa mga di maubos-ubos na mga gastusin. Pati na rin ang hangarin nating makabangon mula sa kahirapan kaya ganon na lamang ang pagpasok sa ng mga Pilipino sa iba’t ibang trabaho at negosyo. Nakakalungkot lamang isipin na marami ang kumakapit sa patalim – alinman sa pagnanakaw o panloloko ng kapwa upang magkaroon ng salapi. Kapansin-pansin rin ang pagkahumaling nating mga Pilipino sa mga produktong pampaganda at pampaputi ng kutis at magpaganda ng katawan kaya makikita rin kung gaano pinagkakakitaan ang mga ito sa ating bansa dahil sa paggastos nang malaki ng mga Pilipino para sa mga produktong ito.

Gamit ng Wikang Filipino

Magagamit ang Wikang Filipino sa pakikipagkomunika lalo na sa bentahan na nagaganap sa pagitan ng mga networking companies, mga independent sellers at sa kanilang nais bentahan. Nalilinang din ang ating wika dahil sa paggamit nito bilang wika upang makumbinsi ang kanilang mga target market lalo na’t tinutugma nila ito sa kultura at sa araw-araw na konteksto ng isang indibidwal. May nabubuo rin na mga sariling jargons ang mga iba’t-ibang mga kumpanyang MLM dito sa Pilipinas na tanging sila lamang ang gumagamit.

Mahalaga ang paggamit ng wika sa networking at mga MLM companies dahil sa komunikasyon. Ang komunikasyon ay ang susi nila upang makahikayat at makapang-engganyo ng kanilang mga bebentahan at magiging kasapi sa organisasyon. Gumagamit rin sila ng iba’t ibang antas ng wika depende sa sitwasyon. Kapansin-pansin rin na mas ginagamit ang wikang Ingles sa mga patalastas at mga dokumentong pang-opisina ngunit ginagamit ang wikang Filipino sa pang-aalok at pakikipag-komunika sa iba’t ibang tao gamit ang berbal na paraan.